Tuesday, August 5, 2008
Once Upon a Time
Gabing gabi na. Nagsara ako ng tindahan. Dumating ka, nag-alok na makasama ko sa pag-uwi.
Mali para sa iyo, mali para sa akin, pero pumayag ako. Tahimik tayong lulan ng tricycle. Nagpapakiramdaman.
Paulit-ulit kong iniisip na walang mali sa ginagawa natin dahil kuya ang turing ko sa iyo at sigurado akong hindi lang ako ang hinahatid mo.
Ganun ka lang talaga sa lahat ng babaeng malapit sa iyo. Kaya noong field trip namin, hinatid mo uli ako. Gumising ka ng sobrang aga para masamahan ako papasok. Sinamahan mo ako hanggang dumating ang mga kaklase ko. Inisip kong 'wala lang 'to', tutal...
Ganun ka lang talaga sa lahat ng babaeng malapit sa iyo. Kaya minsan tinatawagan mo ako. Isang beses, bago ka umalis, sabi mo may sasabihin ka. Pero hindi mo tinuloy...
Ganun ka nga lang ba talaga sa lahat ng babaeng malapit sa iyo?
Limang taon ang lumipas, nalaman ko ang sagot sa tanong na 'yon: hindi pala.
Gabing gabi na. Uuwi na ako.
wala ng maghahatid sa akin...
dahil ikaw ang uuwian ko.
**Salamat kay *toot*. Dahil sa kilig story mo, naalala ko tong mga kilig moments na ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment